Ikaw Ang Sarili Mong Tula
Para sa mga tinikom ang bibig sa pagsasalita, at sinupil ng lipunan ang kakayahan ng anumang pwersang natural at sosyal.
Hindi ka buhay nang walang sambitla. Maraming mukha ang tula; ito ay salinan man ng indayog, ng ritmo, ng linya, ng bilang, ng pag-ibig. Hindi baduy ang pag-ibig. Hindi baduy ang paksang emosyon. Hindi kailanman katawa-tawa ang maging bahagi at mukha ng katotohanan.
Magsulat hangga't nananalaytay ang kalooban. Hangga't tinitibok ng sarili ang pangangailangan ng alay ng mga salita. Sa likod ng bawa't metaporang tinuturan ang nangagsigaw na mga dasal at pagnanais.
Gawin itong tula bilang kasangkapang mapag-unawa't magpapalaya ng diwa, ng daing, ng panaghoy--para sa sarili, para sa nakararami. Na sa bawa't pagbuo ng sandigang sambitla ay ang paglikha ng espasyo ng mga gaan at pasakit; at dito man ay ang walang-humpay sa dugo't pawis kung sumipsip, daluyong man ito ng mga sikhay at hapis, ito pa rin ay isang dalampasigan ng isip.
Maging kasinlaya ng mga salitang binigkas ng damdamin.
Ikaw ang sarili mong tula.
Comments
Post a Comment