Para Sa Iyo

Pinakamaligayang araw ng iyong pagkaluwal, aking mahal!

Dalawang dekada, pero noon pa lang banaag na sa iyo ang pagsibol. Sa bawa't araw na dumarating ay sumasang-ayon sa iyong pag-aasam ng kapanatagan. Sinusugan ng bawa't detalye ng buhay--ang pagkalugmok, ang pagkasaya, lahat ng pakiramdam na nilalakipan ng kalakasan ng loob. Sa paraan ng pagbati ko sa iyo, hindi ko babanggitin ang nakagawian, ito ang pagsuyo ko, irog; tanggapin mo nang walang pag-aalinlangan. Narito ako, sa paraang virtual, ito ang moda, ang medyum ng aking pagsambit ng walang-maliw na pagmamahal, at hindi ko sasabihing "pag-ibig," sapagka't kahulugan ito ng kapayakang pagnanais. Ikaw nga ang pasukdol, hindi ba? Maging ang paghahambing ay walang puwang; mintis sa balikat mula sa balang nagmula sa pagkalabit ng gatilyo. 

Sa bawa't pagsisimula ng araw, sumangguni na ang Araw sa Buwan na panatilihin niya ang kariktan nitong mapanghawi ng mga nakaambang panganib. Ito ang pagmamahal sa mga katulad nila; ang pantay na paglalaan ng kalakasan at proteksyon. Ito ang kakisigang bantog. Dito rin tagpo ang kasaysayan: ang kwento ng iyong pagsibol at pagpupunyagi! Kaya't harinawa, sa bawa't pagnanais ay makabuo ng kongkretong daloy na magpapatuloy sa adhika mo. Simula't sapol, Ginoo, wala nang naging espasyo ang pagtatalaga ko sa sarili ko bilang isang taong makapagdaragdag ng kulay sa buhay mong wala nang sisidlan ang kagandahan, sapagka't ikaw na ang nagkatawang-taong hardin ng mga liryo. 

Hindi ito katatwa, subali't ito ay ang paninigurado; masdan mo ang nangagsaya kong mga labi. Sa hiraya ko pa lamang na taglay, tangan mo na ang ngiting mapagsinta; at kung maghihiwalay man ang mga ito sa pagsasalita, maghinay-hinay nawa ito sana nang aking mapagtagumpayan ang pagsulong nang pasulong.

Sapagka't ito ang isa sa mga kahinaan ko: ang malalambot mong labing sa isip ko ay banaag ang pagsinta ng laman. Patawarin ako ng mahabaging Diyos, nguni't hindi ko kayang iiwas ang aking pagnanais na masunggaban ang mga labi mong paksa na ng pantasya ko. Ito ay higit pa sa panimula kong adhika.

Patawarin, pero hindi ko na kayang titigan na lamang ang kariktan ng isang templo na kung saan namamalagi ang mga punto ng aking pagkabata at paglinang. Naging banyaga sa sarili kong lupa; ikaw ang banyaga ko kung kaya't angkinin mo ako. Yurakan mo ako, sa iyo pa rin ang pagsamba.


Ikaw ang Polaris; isang bituin mula sa Hilaga.

Hawakan mo ako, sapagka't nakapangako na ang pangangalaga.


Isang bituing iniluwal upang kadiliman ko'y pawiin,

Ito ang pagsang-ayon, ikaw ang irog kong tanawin!

Comments

Popular posts from this blog

Kahit Saan (tula ni José Corazón de Jesús)

acrostic poem